Idineklara ni Nepal Prime Minister Pushpa Kamal Dahal ngayon araw Enero 16 bilang day of mourning matapos ang naganap na pagbagsak ng eroplano na ikinasawi ng 72 katao.
Sa nasabing bilang ay 53 dito ay mga Nepalese, limang Indian, apat na Russians, dalawang Koreans, at tig-iisa mula sa Ireland, Australia, Argentina at France.
Mula kasi sa Kathmandu ang Yeti Airlines patungo sa tourist town na Pokhara ng ito ay bumagsak sa paliparan at sumabog.
Lahat aniya sakay nito ay nasawi kung saan inaalam nila ang sanhi ng aksidente.
Nasa mahigit 300 na mga sundalo ang nagsagawa ng search and retrieval operations sa lugar na pinagbagsakan ilang kilometro mula sa paliparan.
Ito na aniya ang pinakagrabeng aksidente ng pagbagsak ng eroplano matapos ang 30 taon.