-- Advertisements --

Nanawagan si Negros Oriental Gov. Manuel “Chaco” Sagarbarria para sa ‘healing at unity’ ng lahat ng mga doktor mula sa mga pangunahing ospital sa probinsya, distrito, at komunidad.

Ginawa ni Sagarbarria ang panawagan sa kanyang pakikipagpulong sa mga doktor ng provincial hospital kahapon, Hunyo 6, kung saan tinatalakay nito ang kanyang mga planong pagandahin ang mga serbisyong medikal ng lalawigan.

Binigyang-diin ng opisyal ang kanyang pangako na unahin ang kalusugan bilang core ng kanyang programa.

Binanggit pa niya sa mga ito na plano niyang magtatag ng isa pang “Bids and Awards Committee (BAC)” na nakatuon lamang sa pagbili ng mga kagamitan sa ospital at mga gamot upang mapabilis ang proseso at matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng mga gamot sa mga pampublikong ospital sa Negros Oriental.

Ang lalawigan ay mayroong pitong community primary hospital at 7 district hospital maliban sa Negros Oriental Provincial Hospital (NOPH) na matatagpuan sa Dumaguete City.

Tiniyak din ng gobernador na isinaalang-alang nito ang kanilang mga rekomendasyon kung anong uri ng mga gamot at kagamitan ang kailangang bilhin.

Maliban dito, sinabi pa niyang kapareho lang umano ang kanyang mga layunin sa mga nakaraang gobernador na mapataas ang antas ng mga ospital sa lalawigan, ipagpapatuloy ang mga proyekto ng mga ito at dagdagan lang niya ng kanyang bubuuing mga programa.

Umapela naman ito sa mga doktor na magtrabaho nang masigasig sa pagbibigay ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga NegOrenses.

Hinimok din niya ang lahat na isantabi ang mga pasakit at siniguro pa nito na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay mananaig ang pagkakaisa.