-- Advertisements --

Muling inuulit ni bagong Negros Oriental Governor Manuel Sagarbarria ang panawagan nito para sa pagkakaisa, kapayapaan at pagmamahalan kasabay ng isinagawang aktibidad ngayong araw, Hunyo 12, sa Capitol Forecourt, Dumaguete City bilang paggunita sa ika-125 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas.

Sa kanyang mensahe,naninindigan si Sagarbarria na matatag ito sa kanyang pangako na maging isang lider na walang-sawang nagsisikap para itaguyod ang pagkakaisa, kapayapaan, at pag-unlad ng Negros Oriental.

Iginiit pa ng gobernador na hindi siya kumakatawan ng anumang political name kundi bilang isang indibidwal na tunay na nagnanais na makitang umunlad ang lalawigan.

Sinabi pa ng opisyal na ang tema ngayong taon ay nagsasalita ng kalayaan, kinabukasan at kasaysayan ng lalawigan at ito’y nagpapaalala na ang mga sakripisyo ng ating mga bayani at ang dugong kanilang ibinuhos para sa ating inang bayan ay hindi dapat mawalan ng kabuluhan.

Binigyang-diin pa nito na walang silbi ang kalayaang tinatamasa natin ngayon kung may poot, takot, karahasan at paghihiganti sa ating mga puso.

Kaya naman, nanawagan ito sa mga NegOrenses na magkaisa para baguhin ang pananaw ng publiko sa lalawigan at ipakita sa mundo na sila rin ay may kalayaang sumulong.