-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang negosyante sa pamamaril at pagnanakaw sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Saguira Opam, 41 anyos, may asawa, buy and sell trader at residente ng Shariff Aguak Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba na sakay ang biktima ng kanyang minamanehong motorsiklo kasama ang menor de edad na anak papauwi na ng kanilang tindahan mula sa tindahan nito.

Ngunit pagsapit ng mag-ina sa Brgy Balong Shariff Aguak ay bigla itong hinarang ng mga armadong suspek at pilit kinuha ang bag ng negosyante na naglalaman ng P200,000.00.

Nagtangkang manlaban ang biktima kaya binaril ito ng mga salarin gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo tangay ang bag ng negosyante.

Patay on the spot si Opam nang magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at dibdib habang nakaligtas naman ang kanyang anak na hindi ginalaw ng mga suspek.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Shariff Aguak PNP sa naturang pangyayari.