-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinangunahan ng mga kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago ang pagdakip sa isang negosyante sa Alfonso Lista Ifugao dahil pag-iingat ng mga baril na walang kaukulang dokumento .

Ang inaresto ay si Jimmy Languido alyas Jaime Languido, 53 anyos, negosyante at residente ng Barangay Sta. Maria, Alfonso lista, Ifugao.

Ang mga kasapi ng CIDG Santiago katuwang ang Police Intelligence Unit ng Ifugao Police Provincial Office, Alfonso lista Police Station at CIDG Regional Field Unit ang naghain ang search warrant laban sa suspect na nagresulta naman sa pagkakadakip nito.

Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Anastacio Anghad ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Santiago City ay matagumpay na narekober sa pag-iingat ni Languido ang isang unit ng Bushmaster Caliber 5.56 na baril, isang magazine ng Bushmaster Caliber 5.56 na naglalaman ng 28, isa pang steel metal magazine ng Bushmaster Caliber 5.56 at isang unit ng 9mm pistol na may magazine at naglalaman ng15 bala.

Nang hanapan ng papeles ng mga baril ay walang maipakita ang suspect na agad dinala sa CIDG Santiago kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal possession of firearms) laban sa suspect.