-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isang itinuring na high value target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP na nadakip sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay Almuguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ang nadakip ay si Jan Louie Mamaril, 27, isang vegetable dealer at residente ng Barangay Macate, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa pagtutulungan ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Nueva Vizcaya Police Provincial Office, Regional Drug Enforcement Unit at Bambang Police Station ay isinagawa ang drug buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Nakuha sa suspek ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, P4,000 boodle money, dalawang piraso ng kulay pula at ubeng sling bag, lighter, isang pakete ng sigarilyo, isang unit ng Android phone, scooter, isang bloke ng hinihinalang dahon ng marijuana na nakabalot sa brown tape at isang hinihinalang granada.