Naniniwala ang National Economic Development Authority (NEDA) na magiging masaya ang kapaskuhan ng mga Pilipino ngayong taon.
Ito ay sa kabila ng mataas na inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin na naging daan upang hindi maabot ng Pilipinas ang growth target nito.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, halos lahat ng bansa at nagkaroon ng ‘economic slowdown’ o pagbagal ng paggalaw ng kanilang ekonomiya, na isa sa mga itinuturong dahilan ng pagsirit ng inflation.
At sa kabila ng halos pare-parehong economic slowdown, ang Pilipinas aniya ang nananatiling ‘best performing economies’ sa Asia Pacific Region.
Tiniyak din ng opisyal na hindi pa rin susuko ang economic team ng bansa upang makamit ang itinakdang economic growth ngayong taon.
Tiyak aniyang muling sisigla ang ekonomiya ngayong taon dahil maraming Pilipino ang inaasahang magbabakasyon at bibili ng mga regalo, pagkain, at iba pang kagamitan.
Katwiran pa ng NEDA Chief, maigi ring magsaya ngayong kapaskuhan ang mga Pilipino dahil sa malayong mas maganda ang sitwasyon ngayon ng Pilipinas kumpara sa mga nakalipas na taon.