-- Advertisements --

Nakahanda ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na humalili sa National Task Force Against COVID-19 (NTF).

Ito ay matapos na ianunsiyo ng Department of Health na gagamitin ang NDRRMC bilang platform nito sa planong muling pagbuo sa mga miyembro ng ahensiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, sa katunayan halos pareho lamang naman ang mga miyembro na bumubuo sa NTF at NDRRMC gayundin sa tumatayong chairperson ng dalawang ahensiya.

Kumbaga pangalan lamang ang pinalitan at ang DOH pa rin naman aniya ang mangunguna sa grupo ng ahensiya dahil ang problema ay may kinalaman sa kalusugan.

Paliwang din ng opisyal na sa ilalim ng batas, ang chairperson ng NDRRMC ay ang kasalukuyang Department of Defense officer in charge Jose Faustino Jr.

Subalit pag-uusapan pa ng DOH, DND at iba pang ahensiya na kabilang sa konseho ang specifics ng final structure ng NDRRMC.

Tiniyak din ni Jalad sa publiko na kayang pangasiwaan ng NDRRMC pareho ang general disasters at COVID-19 related issues sa kabila ng bagong tungkulin nito.