Nanindigan si Office of the Segeant-At-Arms (OSAA) Acting Head Mao Aplasca na may banta sa Senado kaya siya nagpaputok ng warning shot.
Maalalang inamin ng retirang 2-Star General na siya ang unang nagpaputok ng baril noong Miyerkules, May 13, 2026, kung kailan naganap ang kontrobersiyal na putukan sa loob ng mataas na kapulungan.
Paliwanag ng heneral, may nakita siyang mahahabang baril mula sa hanay ng National Bureau of Investigation (NBI) kaya nagdesisyon silang magpaputok.
Ang nagsisilbi aniyang procedure sa law enforcement ay ang pagbibigay muna ng challenge o verbal warning – bagay na ginawa aniya ng OSAA.
Kung nagpakita aniya ang kabilang kampo ng kooperasyon sa ibinigay na verbal warning, maaaring tumuloy ang mga ito sa negosasyon o mapayapang pag-uusap.
Gayonpaman, hindi aniya ito nangyari.
Katwiran ni Aplasca, matapos ang verbal warning ay nagpaputok din ng baril ang NBI.
Dahil dito ay gumanti aniya ang OSAA, salig sa kanilang karapatan na protektahan ang kanilang sarili, dahilan kaya nagkaroon ng palitan ng putok.
Nilinaw naman ng dating heneral na noong nagpaputok siya ng baril ay nakaturo ito sa itaas at hindi sa mga NBI agent. (report by Bombo Jai)
















