Naka-alerto na ngayon ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kasunod ng Super Typhoon Karding na nakatakdang mag landfall mamayang gabi.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Asec Bernardo Rafaelito Alejandro IV, batay sa isinagawang council meeting kanina kasama si DND OIC Sec. Jose Faustino, pinatitiyak nito na agad makaresponde ng tulong sa mga kababayan natin na hinagupit ng Bagyong Karding.
Binigyang-diin din ni Alejandro na naka preposition na rin ang mga ipamamahaging family food packs mula sa DSWD, may mga satellite phones ang nadispatch sa mga lugar na dadaanan ng bagyo.
Maging ang mga kagamitan ng DSWD para sa gagawing clearing operations ay naka standby na rin.
Naka-standby na rin ang nasa mahigit 3,000 search and rescue teams mula sa AFP,PNP at Philippine Coast Guard para ideploy sa mga lugar na kakailanganin.
Ayon kay ASec Alejandro kanilang tinututukan ang region 2, region 3 at ang Central Luzon na siyang tutumbukin ng Bagyong Karding.
Sa kabilang dako, naghahanda na rin ang mga LGUs sa Metro Manila dahil sa epekto ng Bagyong Karding ngayong nakataas na sa signal No. 4 ang Metro Manila.
Samantala, nagpapatuloy na rin sa ngayon ang isinasagawang forced evacuation sa ibat ibang lugar na dadaanan ni “Karding.”
Batay sa datos ng NDRRMC sa region 2 at 3 nasa 97 families o nasa 336 indibidwal ang isinailalim sa forced evacuation.