-- Advertisements --

Pumalo na sa 397 ang napaulat na death toll sa pananalasa ng Bagyong Odette, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sinabi ni NDRRMC chief Undersecretary Ricardo Jalad na karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod habang ang iba naman ay namatay matapos na tamaan ng mga nabuwal na puno, na-trap sa ilalim ng mga debris ng gumuhong imprastraktura, at nadaganan ng gumuhong lupa.

Sa kanyang report, natukoy na 83 katao ang missing habang 1,147 naman ang sugatan sa kasagsagan nang pananalasa ng Bagyong Odette.

Sa isang situational report kaninang alas-8:00 ng umaga ng Martes, sinabi ng NDRRMC na sa kabuuang bilang ng mga napaulat na namatay, 59 ang kumpirmado na.

Karamihan sa mga confirmed fatalities anila, o 37 sa kabuuang bilang, ay mula sa Region VI.

Nakumpirma rin ang walo sa mga missing persons at 47 naman sa mga sugatan.

Samantala, kabuuang 4,235,400 katao o 1,082,910 pamilya ang apektado sa hagupit ng bagyo sa nasa 6,000 na mga barangay.

Nasa 561,459 naman ang lumikas, at ilan sa kanila ay nanatili pa rin sa ngayong sa 1,201 evacuation centers.

Ayon kay Jalad, nasa 508,785 bahay ang nasira, kung saan 341,368 dito ang partially at 167,417 naman ang totally damaged.

Ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ay pumalo na sa mahigit P16.7 billion at higit P5.3 billion naman sa agrikultura.