-- Advertisements --

Nagbabala si National Capital Region Police Office Chief PMGen Jose Melencio Nartatez Jr., sa lahat ng mga pulis na kaniyang nasasakupan na huwag abusuhin ng mga ito ang paggamit ng search warrant.

Ito ang warning ng pinuno ng Metro Manila Police kasunod ng pagkakasibak sa serbisyo ng sampung mga pulis na pawang nakatalaga sa NCRPO nang dahil sa katiwalian.

May kaugnayan pa rin ito sa umano’y kontrobersyal na raid na naganap sa isang condominium sa Paranaque City noong Setyembre 16, 2023.

Giit ni PMGen. Nartatez, dapat na magsilbing babala ang pagkakasibak sa serbisyo ng naturang mga pulis sa iba pang mga pulis dahil sa mga parusa at consequences na kanilang posibleng kaharapin sa bawat nilang aksyon.

Kasabay nito ay ang pagbibigay-diin ng heneral na hinding hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng katiwalian, at pang-aabuso ng sinumang miyembro ng kapulisan.