MANILA – Ang mga lugar na sakop ng National Capital Region (NCR) Plus bubble ang prayoridad sa distribusyon ng dumating na higit 2-million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines.
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) kasunod ng pagdating ng dagdag na shipment ng bakuna mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO) noong Sabado.
“Nasa NCR Plus bubble yung pinakamataas na alokasyon dahil alam naman natin yung focus natin, so that we can herd containment here in this epicenter of this disease,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“NCR gets around 25% of this doses.”
Bukod sa Metro Manila, makakatanggap din ng malaking alokasyon sa British-Swedish vaccines ang Central Luzon at Calabarzon.
Tiniyak naman ni Vergeire na makakatanggap din ng supply ng AstraZeneca vaccines ang iba pang rehiyon.
“Lahat ng regions bibigyan ng allocation for these AstraZeneca vaccines… ready to deploy na tayo starting today.”
Noong Biyernes nang ianunsyo ng DOH na tuloy na muli ang pagro-rolyo ng AstraZeneca vaccines sa mga edad 60-years old pababa sa Pilipinas.
Ito’y kasunod ng suspensyon noong nakaraang buwan dahil sa mga kaso ng “blood clotting” at mababang platelet count sa ilang naturukan sa ibang bansa.
“Upon review and evaluation, nakita natin na wala pang nangyayaring ganito sa ating country.”
Kinonsulta rin daw ng Health department ang mga dalubhasa sa larangan ng hematology at transfusion medicine, na sumuri sa datos ng mga naitalang kaso ng “vaccine-induced immune thrombotic thrombocytopenia.”
Ayon daw sa mga eksperto, walang kilalang predictors sa naturang adverse effect.
“Ibig sabihin, wala tayong ma-identify na risk factor for this VIIT. Nangyayari ito sa kahit na sinong tao kapag nagkaroon ng auto-immune reaction ang tao sa bakuna.”
“The experts have recommended that we should just vaccinating without any restrictions… the benefit outweighs the risk.”
Dagdag pa ng Health spokesperson, maliit lang ang porsyento ng mga nakaranas ng VIIT mula sa mga nabakunahan ng AstraZeneca sa buong mundo.