MANILA – Hindi sang-ayon ang mga alkalde sa Metro Manila sa panukalang “vaccine pass” bago makapasok sa mga establisyemento ang publiko.
Ayon kay Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, na chairman din ng Metro Manila Council, hindi patas kung oobligahin ang publiko na mag-presenta ng vaccine pass dahil maliit na porsyento pa lang ng populasyon ang nababakunahan laban sa COVID-19.
Dagdag pa ni Olivarez, hindi pa rin sapat sa buong populasyon ng Pilipinas ang supply ng estado sa COVID vaccines.
“Sa amin sa MMC parang hindi pa ho tama ang panahon ngayon po para i-implement yang policy na yan,” ayon sa alkalde sa panayam ng GMA News.
Batay sa pinakabagong datos ng Department of Health, aabot na sa 786,526 na indibidwal ang fully vaccinated o nakatanggap ng dalawang doses ng bakuna.
Mula naman sa higit 7-million doses na supply ng bansa, higit 3-million doses na raw ang naituturok sa healthcare workers, senior citizens, may comorbidity at ilang economic frontliners.
Una na ring tumanggi ang DOH sa panukalang vaccine pass ng Department of Trade and Industry.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hanggang sa ngayon walang ebidensya na kahit nakakumpleto na ng bakuna ang indibidwal ay hindi na ito mahahawaan ng coronavirus disease.
Bukod dito, wala pa rin daw ebidensya na kayang protektahan ng bakuna ang mga tao laban sa mild hanggang moderate na antas ng impeksyon.
Sa ngayon daw kasi ang lumalabas pa lang na resulta ng mga pag-aaral, ay kayang labanan ng bakuna ang severe o malalang antas ng COVID-19 infection.
“No, we do not agree with this system. For now, even if you are fully vaccinated with two doses, you still need to follow minimum health protocols,” ani Vergeire.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., naaprubahan na sa gabinete ang expansion o pagpapalawig ng COVID-19 vaccination hanggang A4 at A5 group o hanay ng essential workers at indigent population.
Pero magsisimula lang daw ang pagbabakuna sa naturang mga grupo kapag naging steady o sapat na ang supply ng bansa sa COVID-19 vaccines.