Nagkasundo ang mga opisyal ng participating schools mula sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) na magbigay din ng tulong sa mga biktima ng magkakasunod na lindol sa Itbayat, Batanes.
Ayon kay NCAA Management Committee chairman Peter Cayco, na nakatakda nilang i-turn over ang P100,000 cash donation kay Batanes Gov. Marilou Cayco sa Sabado, kasabay ng laban ng Letran Knights at San Beda Red Lions.
Sa nakaraang meeting ng Mancom, iminungkahi umano ni Letran Mancom representative Fr. Vic Calvo ang pagpaabot ng tulong sa mga biktima ng lindol.
Ani Cayco, ang donasyon ay bahagi ng kanilang adbokasiya na tumulong sa kapwa bilang pinaka-matandang collegiate sports tournament ng bansa.
Batay sa huling ulat, siyam ang patay habang halos 3,000 indibidwal ang naapektuhan ng tumamang lindol sa bayan ng Itbayat noong Hulyo.
“What we are doing is part of the NCAA advocacy, and the oldest collegiate tournament in the country, as an institution, has helped our fellow Filipinos in need, especially those affected by calamities,” ani Cayco.
Bukod sa Letran at San Beda, kabilang din sa NCAA member schools ang Arellano University, College of St. Benilde, Emilio Aguinaldo College, Lyceum University of the Philippines, Mapua University, San Sebastian College-Recoletos at University of Perpetual Help System Dalta.