Sisimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang Ateneo basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili habang nasa kasagsagan ng team building activity sa Dipaculao, Aurora.
Unang bumuo ang ahensiya ng isang task force na tututok sa naturang insidente.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya ng mga biktima, sa local police, at sa buong Ateneo basketball team para sa isasagawang imbestigasyon.
Target ng ahensiya na makita ang lahat ng anggulo sa naganap na trahediya at matukoy kung kaninong pananagutan ang pagkasawi ng dalawang bagitong player.
Ang pagpasok ng NBI sa naturang imbestigasyon ay kasunod na rin ng lumalawak na panawagan ng publiko para sa pagkakatukoy ng tunay na dahilan ng pagkasawi sa dalawang bagitong basketball player.
Kabilang sa mga nagsasagawa ng imbestigasyon at fact-finding sa kasalukuyan ay ang local police, Commission on Higher Education, at ng NBI, habang bumuo na rin ang Philippine Sports Commission (PSC) ng isang multi-stakeholder committee para sa komprehensibong pagpapanagot sa mga sangkot na indibidwal.














