-- Advertisements --

Sa kabila ng pagkakabiktima ng hacking ang BDO, pinawi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangamba at takot ng publiko sa paggamit ng online transactions.

Ayon kay NBI-Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo, kung ikukumpara naman daw ang fraudulent sa successful transactions ay maituturing naman itong “negligible.”

Ang mahalaga raw para sa publiko ay ingatan nila ang mga account details para hindi basta-basta mapasok ng mga hackers ang kanilang mga account.

Aniya, sa nangyaring hacking ay mistulang wala namang kakulangan at kinalaman dito ang mga kliyente o depositor dahil sinamantala raw ng mga hackers ang kahinaan ng security system ng naturang bangko.

Paliwanag niya, lahat daw ng bangko ay mayroong vulnerability o kahinaan sa seguridad at ito ang ginagawan ng paraan ng mga hackers para mapasok ang kanilang sistema.

Sa ngayon, patuloy daw na tinutunton ng NBI ang kinaroroonan ng anim na suspek sa naturang hacking.

Inalis na rin ng NBI ang anggulong mayroong nangyaring inside job sa online fraud dahil mas malaki raw ang risk o panganib ng mga hackers kapag mayroon silang contact sa loob ng bangko.

Hinimok din ng NBI ang nasabing bangko na isauli na ang mga perang na-hack na aabot sa P50 million dahil wala naman daw nailabas ang mga hackers na pera kundi nailipat lamang ito sa Union Bank at intact pa rin sa naturang bangko ang pera ng mga depositors.

Sa ngayon, pinoproseso na ng bangko ang reimbursement sa halos 700 kliyenteng apektado ng hacking.

Ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) naman ang bumuo na ng task force para imbestigahan ang naturang insidente.

Binigyan ng BSP ang task force ng 30 araw para makapagbalangkas ng kanilang rekomendasyon sa posibleng sanctions o multa sa mga sangkot sa hacking.