-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang buong suporta sa ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa umano’y pagdukot ng mga pulis sa tatlong indibidwal sa Maynila.

Ayon kay Eleazar, makikipagugnayan sila sa NBI sa kanilang imbestigasyon na nag-ugat sa alegasyon ng dalawang suspect sa pagdukot sa 23-anyos na si Rexcell John Hipolito; Ronald Jae Dizon, 21-anyos; at Ivan Serrano,18-anyos kung saan ay mga pulis ang itinuturong nasa likod.

Kapwa nagsisilbi umanong police asset ang magkapatid na suspeks na kasalukuyang nasa kostudiya ng NBI at posibleng isailalim sa witness protection program ng gubyerno.

Ayon kay Eleazar, isa itong seryosong alegasyon na dapat tutukan ng PNP.

Hiling naman ni PNP Chief na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon at huwag agad husgahan ang mga kapulisan.

Siniguro naman ni Eleazar na sa sandaling mapatunayang nagkamali ang mga pulis hindi niya ito palalagpasin.

Pahayag ng mga suspeks na bilang police asset, itinuturo nila ang mga sangkot sa iligal na droga sa mga pulis at tinukoy ang tatlong biktima ng kidnapping bilang mga tulak ng marijuana.

Nagpanggap din silang mga pulis nang kunin ang tatlo sa kanilang kabahayan sa Sta. Cruz, Maynila noong Abril.

Nabatid din umanong patay na ang tatlong biktima.

Giit ni Eleazar nais nitong mabatid ang katotohan sa likod ng insidente.