Kasalukuyan nang inaalam ng National Bureau of Investigation (NBI) kung mayroon at kung sino ang posibleng kasabwat ng babaeng employee ng isang law firm na nahuling nangingikil sa tatlong Chinese national sa loob mismo ng Bureau of Immigration (BI).

Kasunod na rin ito ng naging pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na nag-mutate na raw ang “pastillas” scheme sa mas malaking modus.

Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na inatasan na nito ang NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa aktibidad ng mga fixers na nakakapasok sa BI.

Kapag mayroon daw sapat na ebidensiya ay bahala na ang NBI na magsampa ng administrative at criminal charges sa mga sangkot sa naturang insidente.

Una rito, inaresto ng NBI ang law firm employee na si Vivan Lara sa mismong main office ng BI dahil umano sa paghingi nito ng P900,000 sa tatlong Chinese nationals kapalit ng pagproseso nito sa mga entry visas ng mga Chinese na nasa China pa.

-- Advertisement --

Agad namang ipinag-utos noon ni BI Commissioner Jaime Morente ang pagbuo ng isang fact-finding investigation na mag-iimbestiga sa naturang babae.

Lumalabas na empleyado si Lara ng law firm na accredited para makipagtransaksiyon sa BI.

Pero ang kanyang personal accreditation ay paso na noon pa raw buwan ng Enero at hindi na ito pinayagang magkaroon ng transaksiyon sa BI.

Sinabi ni Morente na hindi raw nila kukunsintihin ang mga fixers sa kanilang bakuran.

Sa katunayan, suspendido rin daw ang accreditation ng Calalang Law Office na employer ni Lara habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pangingikil ng suspek.

Maliban dito, iniimbestigahan din daw ng BI ang breach of security protocols sa loob ng BI building dahil nakapasok pa rin ang suspek kahit isang buwan nang expired ang kanyang ID.

“We are also investigating the breach of security protocols inside the BI building, as she was able to enter despite her ID expiring last month, as well as use an office for her transaction. We had our men scan CCTV footage to look into possible accomplices of Lara, as well as ensure that the BI grounds are rid of fixers,” dagdag ni Morente. 

Ipinag-utos din ni Morente na imbestigahan ang tatlong Chinese nationals na sangkot sa fixing incident bago sila pabalikin sa kanilang bansa.