-- Advertisements --
image 65

Nasa pangangalaga na ngayon ng mga militar ang dalawang alumni student ng Unibersidad ng Pilipinas na una nang napaulat na nawawala.

Ayon sa National Task Force to end Local Communist and Armed Conflict, noong Mayo 16 napilitang sumuko sa mga otoridad sina Patricia Cierva at Cedrick Casaño matapos ang ikanasang malakihang combat joint operation ng Philippine Army at Philippine National Police.

Sa isang pahayag ay ibinahagi ni Cierva na noong sumuko sila sa mga otoridad ay agad silang dinala nito sa kampo ng mga militar kung saan binigyan sila ng pagkakataong pumilo kung sila ba idedeklara bilang “captured” o “surrendered”.

Kung pipiliin nila ang pagdedeklara sa kanila bilang “captured” o arestado ay itu-turn over sila ng mga otoridad sa PNP.

Ngunit kung pagsuko naman aniya ang kanilang pipiliin ay isasailalim naman sila sa pangangalaga ng militar, bagay na mas pinili ng dalawa.

Ayon sa naturang task force, si Cierva ay dating political guide ng New People’s Army – East Front Committee sa lalawigan ng Cagayan Valley – Fortunato Camus Command, habang si Casaño naman ay dating kalihim ng kaparehong grupo.

Kung maaalala, una nang nagpahayag ang UP System ng “grave concern” sa pagkawala ng tatlo nitong alumni at isa pang indibidwal, na hinihimok ang gobyerno na tiyakin ang kanilang kaligtasan at itaguyod ang kanilang mga karapatan sa konstitusyon.

Sa isang pahayag ay sinabi nito na kamakailan lang ay nawala ang tatlo na sina Gene Roz Jamil “Bazoo” De Jesus at Dexter Capuyan ng UP Baguio, at Patricia Nicole Cierva ng UP Manila.