-- Advertisements --

Sa kabila ng pagtutulungan ng ground, water at aerial search and rescue teams para sa paghahanap sa nawawalang Cessna Plane ay hindi pa rin nakita ang eroplano at mga sakay nito sa pang-labing pitung araw ng operasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th Infantry Division, Phil. Army na ginagalugad pa rin ang 20-kilometer radius mula sa Maconacon Cellsite kung saan nagring ang cellphone ng isa sa mga pasahero.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang Incident Management Team sa isang grupo sa Sto. Tomas, Batangas para magamit ang 6 trained scent-tracking dogs sa paghahanap sa Cessna Plane.

Inayos na upang madala ang 6 trained scent-tracking dogs at ang labindalawa handlers sa Search Site.

Halos 350 katao na ang nagsasagawa ng ground search na kinabibilangan ng mga kawani ng Local Disaster Risk Reduction and Management offices, mga kasapi Phil. Army, PNP-Special Action Force, BFP, mga opisyal ng barangay, mga Dumagat, Agta at mga volunteers.

Maging ang mga kasapi ng Phil. Coastguard ay nagsasagawa pa rin ng search and rescue operation sa mga baybayin ng Maconacon at Divilacan.

Nasa limang aircraft ang ginagamit ngayon ng Phil. Airforce para sa aerial search and rescue operation ngunit hanggang ngayong ikalabimpitung araw ng paghahanap ay hindi pa rin nakikita ang nawawalang Cessna Plane at mga sakay nito.

Ilang beses na ring nagpalipad ng chopper ang Phil. Airforce ngunit negatibo pa rin dahil sa makapal na ulap sa Sierra Madre Mountains.