ROXAS CITY – Labis ang kaligayahang nadarama ni Lt. Commander Marly Llorito-Martir, tubong Jamindan, Capiz, matapos nakakuha ng dalawang gintong medalya sa shooting competition sa nagpapatuloy na 30th South East Asian (SEA) Games 2019.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Martir, sinabi nito na pinaghandaan niya ang nasabing kompetisyon sa pamamagitan ng pagsasanay sa tulong ng kanyang asawa na nagsisilbing coach nito.
Itinuturing ni Martir na malaking karangalan ang kanyang pagkakapanalo ng dalawang gintong medalya lalo’t dala nito ang pangalan ng Pilipinas.
Malaking tulong din aniya ang taimtim na pagdarasal ng kanyang ina, na hindi nakalimutang sabihin sa kanya na manalangin at magtiwala lamang sa Maykapal.
Nabatid na nagsimula ang pagsali ni Martir sa mga shooting competition mapa-lokal o international noong 2004 kung saan nakakuha ito ng silver medal sa SEA Games 2005.
Napag-alaman na kasapi ng Philippine Navy si Martir at kasama rin niya sa trabaho ang kanyang asawa na tumatayong coach nito.