-- Advertisements --

Itutuloy na ang unang yugto ng naudlot na Mindanao Railway project sa kabila ng kawalan ng pagkukunan ng pondo.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na kumukuha na sila ng lupa sa mga target sites mula Tagum hanggang Digos sa pamamagitan ng Davao City.

Sinabi rin ng DOTr na natukoy na nila ang mga resettlement sites para sa mga maapektuhang residente sa mga barangay gayundin inihahanda na rin ang mga programang pangkabuhayan para sa mga apektadong pamilya.

Saad pa ni Transportation Secretary Jaime Bautista na nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa Department of Finance sa paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng pondo para sa proyekto, tulad ng Official Development Assistance (ODA) mula sa ibang foreign governments at international financial institutions.

Ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng P81.6 bilyon ay may habang 100.2 km na binubuo ng walong istasyon.

Sa sandaling maging operational na ito, ang linya ng tren ay inaasahang magseserbisyo sa 122,000 pasahero araw-araw at mababawasan ang oras ng paglalakbay ng mga pasahero mula Tagum City hanggang Digos City sa 1 oras na lamang mula sa kasalukuyang 3 oras.

Maalala na magsisimula sana ang proyekto para sa Mindanao railway noong Enero 2019, ngunit ito ay nabinbin matapos humingi ang Chinese bank na magpopondo sana sa proyekto ng karagdagang rate ng interes na mas mataas sa 3 porsyento.

Noong 2022, itinuring ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-atras ng pondo matapos hindi tumugon ang China sa queries. (With reports from Bombo Everly Rico)