Suportado ng National Privacy Commission (NPC) ang rekomendasyong pagpapasa ng SIM Card registration bill sa bansa na tanging lagda na lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hinihintay.
Sa isang statement ay sinabi ng komisyon na ito ay upang maiwasan ang paglaganap ng iba’t-ibang uri ng kriminalidad na isinasagawa sa pamamagitan ng electronic communication.
Ayon sa NPC, batid nito na talagang kakailanganin ng malakihang koleksyon ng personal data sa pagpapatupad ng SIM card registration system dahilan kung bakit anila kinakailagan talaga ang pagkakaroon ng technology-neutral approach at future-proof na proposed legistlation upang makamit ang layunin nito sa paraang pinapanatili pa rin ang paggalang sa mga karapatan at kalayaan ng mga data subjects.
Dagdag pa ng ahensiya, hindi dapat na mapunta pa sa mga retailer ang pasanin nang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga SIM card buyer lalo na’t wala naman itong kaalaman o maayos na mapagkukunan ng datos para ma-verify ang identity ng data subjects at authenticity ng identification cards na ipapakita nito.
Ito ay dahil sa posible anilang magresulta lamang sa overcollection at hindi wasto o hindi sapat na monitoring at security practices, bagay na pinagtibay naman ng Section 5 ng naturang Bill.
Bukod dito ay sinabi rin ng NPC na hindi rin nito hinihikayat ang paggamit ng centralized server o database dahil naman sa posibilidad na magdulot ito ng malaking panganib sa oras na may mangyaring security breach dito.
Pinagtibay naman ito ng Section 6 ng naturang Bill na nag-aatas naman sa mga ahensya ng gobyerno o public telecommunications entities (PTES) na panatilihin ang paggamit ng kanilang database sa pagpo-proseso, activate, deactivate o subscription ng mga SIM card.
Samantala, sa ngayon ay inaasahan nang malalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang bill matapos itong ipasa ng dalawang chamber ng Kongreso.
Habang tiniyak naman ng privacy commission na mahigpit din itong nakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno para naman sa pagbuo ng mga guidelines sa pagpapatupad ng panukalang batas sakaling maaprubahan na ito ng punong ehekutibo.