Ibinunyag ni Department of Education-7 Director Dr. Salustiano Jimenez na layon ng pagkakaroon ng pre-qualifying meet ay para mabawasan ang mga atleta mula sa bawat rehiyon sa darating na Palarong Pambansa ngayong Hulyo.
Ito pa ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pre-qualifying sa pamamagitan ng cluster.
Kaninang alas 4 ng hapon,Hunyo 14, isinagawa ang opening ceremony ng nasabing sports meet nitong lungsod ng Cebu kung saan may kabuuang 1,500 atleta mula sa apat na rehiyon kabilang ang Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula ang maglalaban-laban at pormal namang simulan ang laro bukas, Hunyo 15 at magtatagal hanggang sa 17.
Kabilang pa sa mga laro ay ang sepak takraw, footsal, basketball, baseball, football, volleyball at softball na gaganapin naman sa limang venue at ipapalabas naman ng live sa social media.
Inihayag naman ni Cebu City Sports Commission Chairman John Pages na hindi pa umano nakakaapekto ng paghost ng lungsod ang temporaryong pagsara ng Abellana Sports Complex.
Ang sporting events na ito ay bahagi pa ng pangako ng lungsod na mag-alok sa mga atleta ng pinakamahusay na posibleng plataporma upang makipagkumpetensya nang may karangalan, pagkakataon na makapag-explore ng iba pang matutunang mga aral upang pasiglahin ang pagkakaibigan at pagkakaisa.
Nagsisilbi rin umano itong panimula sa bid ng Cebu City na mag-host ng 2024 Palarong Pambansa.
Samantala, ibinunyag naman ni Jimenez na karamihan pa umano sa mga atleta ay first-time pa umanong nakapunta dito.
Positibo at tiwala naman ang opisyal ng DEPED na makukuha ng lungsod ang bid nitong maghost ng Palarong Pambansa dahil nasimulan na umanong marenovate ang mga pasilidad at sinabing mapalad ang Cebu dahil marami itong venue na magagamit.