GENERAL SANTOS CITY – “Magtulungan!”
Iyan ang sinabi ni Sen. Manny Pacquiao upang malabanan ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan sa senador, nananawagan ito sa mga mamamayan na tulungan ang sarili at huwag iasa kay Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat.
Ayon pa kay Sen. Pacquiao, kailangan ng isa’t isa na manalangin at humingi ng gabay sa Diyos sa ganitong sitwasyon.
Hindi aniya kakayanin ni Pangulong Duterte ang anumang bagay kung hindi ito tutulungan.
Panawagan pa nito sa lahat na sundin ang mga protocol na ipinapatupad ng pamahalaan.
Samantala, pabor ang Pinoy ring icon sa muling pagbuhay ng death penalty para sa mga drug lord.
Aniya, kasalanan ang pumatay ngunit mababasa sa isang Bible verse na may karapatan ang gobyerno na gumawa ng batas na naaayon sa kabutihan ng mamamayan.
Nang tanungin naman ito kung kailan ang susunod na laban sa boxing, sinabi nito na sa ngayon ay wala pa itong balak na umakyat sa ibabaw ng ring dahil uunahin ang pagtulong sa mamamayan.