BUTUAN CITY – Dumating na sa Lungsod ng Butuan ang bangkay ng Overseas Filipino Worker o OFW na namatay matapos mabundol ng motorsiklo sa Kuwait.
Napag-alamang ang 37-anyos na si Mary Joy Tajo ay nabangga ng motorsiklo sa Salmiya, Kuwait noong bisperas ng Bagong Taon o Disyembre 31, 2019.
Dinala pa ito sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nasa ospital naman ang driver ng nakabanggang motorcycle dahil sa natamong mga injury.
Nalaman lamang ng ama ng biktima ang nangyari nang makatanggap ng impormasyon mula sa isa pa nitong anak na isa ring OFW.
Samantala, kukumpirmahin pa ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA- Caraga kung ang biktima ay aktibo pa bang miyembro sa ahensiya upang mabigyan ng tulong pinansiyal ang pamilya nito.
Si Tajo ay supervisor sa fast food chain sa Kuwait kung saan nagsimula siyang nagtrabaho bilang OFW noong 2002.
Ang pagdating ng labi nito ay ilang araw lang pagkatapos na unang maiuwi sa Pilipinas ang bangkay ni Jeanalyn Villavende, ang Pinay na tuluyang nasawi bunsod ng pambubugbog ng kaniyang amo sa parehong bansa.