NAGA CITY – Humigit-kumulang sa P5 million ang halaga ng pinaniniwalaang shabu na nakumpiska sa buy bust operation ng mga otoridad sa Lungsod ng Iriga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Lt.Col. Alejandro Monge, hepe ng Iriga City-Philippine National Police, sinabi nitong una na nilang ipinasailalim sa anti-illegal drug operation ang suspek na si Glen Egliston Jr., 35-anyos.
Kasama rin ang isa pang drug personality na si Allan Dimabayao.
Ngunit sa gitna ng operasyon ay bigla aniyang bumunot ng baril si Egliston at sinubukang paputukan ang mga otoridad.
Doon na aniya nagkaputukan na nauwi sa pagkamatay ng suspek habang nakatakas naman ang kasamahan nito.
Samantala, narekober sa suspek ang mahigit sa 800 gramo ng umano’y shabu.
Sa ngayon pinaghahanap na ng mga otoridad si Dimabayao na nananatiling at large.