-- Advertisements --

Hindi ikinabahala ng beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang paglobo ng utang ng Pilipinas.

Ito ay kahit pa ayon sa Bureau of Treasury (BTr) ay malapit nang umabot sa P12-trillion ang running debt stock ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Salceda, ang mahalagang dapat tingnan sa ngayon ay kung magkano nga ba ang katumbas ng utang ng bansa sa gross domestic product (GDP) nito.

Mahalaga rin aniyang isaalang-alang kung magkano nga ba sa utang na ito ng bansa kumpara sa programmed borrowing.

Sa kanyang tantya, sinabi ni Salceda na maaring mas mababa ng P200 billion ang magiging deficit ng pamahalaan sa katapusan ng 2021 kumpara sa kung magkano ang inaasahan naman ng Development Budget Coordinating Council (DBCC).

Iginiit din ng kongresista na ang tax effort ngayon ay nasa 14.8 percent, mas mataas kumpara sa kung ano ang naka-program.

Ito ay dahil na rin sa mga reporma sa pagbubuwis na naipatupad sa mga nakalipas na taon.


Base sa datos ng BTr, hanggang noong Oktubre, ang outstanding debt ng national government ay umaabot na sa P11.97 trillion, mas mataas ng 19.38 percent mula sa P10.027 trillion sa kaparehong period noon namang nakaraang taon.


Sa naturang halaga, 70.7 percent dito ang domestic borrowings, habang 29.3 percent naman ang inutang sa ibang mga bansa.