Nagpahayag ng suporta kay Vice President at presidential candidate Leni Robredo at kanyang running mate na si Sen. Francis Pangilinan ang nasa 1,043 na miyembro ng klerong Katoliko sa buong bansa.
Binubuo ito ng nasa 976 na diocesan at religious priests, 56 deacons, at 11 bishops.
Sa isang statement ay sinabi ng mga pari na layunin nilang ipahayag ang kanilang mga saloobin at hangarin, gayundin ang pagbabahagi ng kanilang mga dalangin at inaasam.
Tungkulin din daw nila na turuan ang mga Pilipino na pumili ng tamang kandidato.
Ang desisyon na i-endorso ang tambalang Robredo at Pangilinan ay napagdesisyunan daw nila matapos ang circles of discernment.
Samantala, nagbabala naman ang mga pari sa mga botante tungkol sa mga kandidatong hindi lamang sa moral teachings ng Simbahang Katolika lumalabag, kundi pati na rin sa batas ng bansa tulad na lamang ng pagbabayad ng tamang buwis.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sina Robredo at Pangilinan para sa pagsuportang ito.