Aabot pa lang sa humigit kumulang 5 milyon ang bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 sa tatlong-araw na national vaccination drive ng pamahalaan.
Ayon kay testing czar Vince Dizon, sa Day 1 ng “Bayanihan, Bakunahan” mahigit 2.7 milyon katao ang nabakunahan sa nationwide immunization program na ito.
Pero base sa datos ng Department of Health (DOH) na nakalagay sa kanilang website, nasa 2.5 milyon ang naturukan ng COVID-19 vaccine noong Nobyembre 29.
Sa Day 2 naman, sinabi ni Dizon na nasa 2.3 milyon na mga bakuna kontra COVID-19 vaccines ang naiturok sa buong bansa.
Nauna nang sinabi ng national government na target nilang makapagbakuna ng nasa 15 milyon katao sa loob ng tatlong araw.
Aminado si Dizon na hindi madali ang pagbabakuna sa napakaraming tao sa loob ng isang araw pero sinisikap namang maitaas na ang singe-day vaccination rate dahil sa banta ng Omicron variant.
Subalit sa kabila nito ay ikinatutuwa nilang malaman na sa ngayon ang Pilipinas ay nasa pang-limang puwesto na sa buong mundo na mayroong pinakamaraming bilang ng nababakunahan sa loob ng isang araw.