-- Advertisements --
image 524

Iniulat ng National Capital Region Police Office na aabot sa 25 mga government officials ang may nararanasang banta sa kanilang seguridad.

Ito ay batay sa pinakahuling threat assessment na isinagawa ng naturang hanay ng kapulisan sa mga government officials sa buong Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Spokesperson LTCOL Eunice Salas, batay sa kanilang isinagawang validation ng Regional Intelligence Division ng NCRPO ngayong nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay lumalabas na mayroong tatlong kongresista, dalawang mayor, isang vice mayor, 9 na barangay chairman, 2 barangay councilor, at isang Sangguniang Kabataan chairman ang nasa medium risk threat.

Ito aniya ay dahil sa ilang factors na nararanasan ng mga nabanggit na lokal na opisyal tulad na lamang ng intense political rivalry, pagkakasangkot sa mga election-related incidents, pagkakatukoy na miyembro ng communist terrorist group, at maging death threats.

Aniya, dahil dito ay agad namang ipinag-utos ni NCRPO chief PBGEN Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng mga unit commanders na paigtingin pa pagpapatupad ng seguridad partikular na sa mga lugar na mayroong intense political rivalry.

Kasabay nito ay nagbigay din ng direktiba si NCRPO chief Nartatez na panatilihin ang close coordination sa mga politikong may mga banta sa seguridad.

Samantala, kaugnay nito ay pinayuhan naman ng NCRPO ang iba pang mga elected government officials na nakakaranas ng banta sa kanilang kaligtasan na agad makipag-ugnayan sa kapulisan para sa karampatang seguridad.