-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang ilang pamilya Cordillera Region dahil sa nararanasang epekto ng hagupit ng Bagyong Falcon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Office of the Civil Defense – Cordillera public information officer Cyr Bagayao, sinabi nitong lumikas ang ilang mga pamilya sa Camp 6, Tuba, Benguet at 17 pamilya sa Lusad, Sabangan, Mountain Province kahapon.

Pawang nakatira aniya sa danger zone ang mga Ang mga lumikas sa Tuba, Benguet.

Napilitan ding lumikas ang mga taga Sabangan, Mountain Province dahil na rin sa banta ng pagguho ng lupa.

Sinabi naman ni Mt. Province PDRRM Council head Atty. Edward Chumawar Jr. na naka-blue alert pa rin ang lalawigan dahil sa masamang lagay ng panahon.

Kasabay nito ay kanyang tiniyak sa publiko ng kanilang kahandaan para magpatupad ng force evacuation kapag lumala pa ang sitwasyon.

Samantala, isinara sa mga motorista at naging one-lane passable ang ilang mga kalsada sa Cordillera dahil sa pagguho ng mga lupa, bato, road slip at road cut.

Nananatiling sarado ang Kennon Road dahil sa mga nahuhulog na mga bato at gumuhong lupa, habang isinara din ang Busa Section ng Baguio-Bontoc Road sa Sabangan, Mt. Province dahil sa road cut.

Ang Mogao Section ng Governor Bado Dangwa National Road sa Gambang, Bakun, Benguet ay sarado rin dahil sa road slip, habang may naitalang landslide naman sa Matteled Section ng Tabuk-Banaue Road sa Dupligan, Tanudan, Kalinga.

Samantala, bukas naman sa mga motorista ang lahat ng mga kalsadang papasok sa Baguio City at iba pang mga national roads sa mga lalawigan ng Cordillera.

Sa kabilang dako, msasagawa ng ikalawang blasting operation sa water way ng Bued River sa Camp 7, Kennon Road, Baguio City para tuluyang linisin ang natitirang malalaking bato sa kalsada.

Pinapayuhan ang mga residente sa loob ng 100 meter radius na lumikas muna habang isinasagawa ang pagpapasabog mamayang alas nuebe ng umaga hanggang ala una ng hapon.