BOMBO DAGUPAN- “Very unusual.” Ganito isinilarawan ni Bombo International News Correspondent Hannah Galvez ang nararanasang panahon sa bansang Japan.
Sa panayam sa Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito na kung noong mga nakaraang linggo kung saan nakakaranas ng mga pag-uulan at pagbaha ang mga southern prefectures ng bansa gaya ng Oita, Fukuoka, Kyushu, ganitong panahon naman ang nararanasan sa northern parts ng Japan.
Aniya na malalakas na mga pag-ulan at pagbaha naman ang patuloy na nararanasan ngayon ng northeastern portion ng Japan, partikular na sa rehiyon ng Tohoku sa Honshu Island.
Bunsod nito ay nagbaba na ng iba’t ibang mga advisories ang mga kinauukulan, partikular na sa mga nakatira sa mabababang mga lugar na magsilikas, lalo na’t inaasahang mas lalo pang lalakas ang mga nararanasang pag-ulan.
Sa tala, nasawi at may ilan namang sugatan sa southern parts ng Japan habang wala pa namang naitatalang casualties sa northern regions ng bansa.
Samantala, matinding init naman ang nararanasang panahon sa bahagi ng Tokyo kung saan ay umaabot hanggang 38°C ang nararamdamang temperatura, habang malalakas na mga pag-ulan din na may kasamang baha, pagguho ng lupa, at mudslide ang nararanasan din ngayon sa southern parts ng Japan.
Kaugnay nito ay ibinahagi naman ni Galvez na matibay ang koordinasyon at pakikipagugnayan ng bawat isa sa mga ganitong pagkakataon sa Japan at kagyat namang sumusunod ang mga residente sa mga babala ng mga awtoridad.
Bunsod nito ay maraming mga transport system ang pansamantalang tumigil sa operasyon habang maraming bahay na ang mga nasira dahil sa pagbaha.