Maglulunsad ng imbestigasyon ang National Privacy Commission (NPC) sa umano’y leak ng records ng mga empleyado at aplikante ng maraming ahensiya ng gobyerno na ibinabala ng cybersecurity researcher na posibleng gamitin sa criminal activities at may kaakibat na banta sa seguridad.
Kaugnay nito, makikipagkita rin ang NPC sa mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang concerned agencies para imbestigahan ang malawakang breach.
Maliban sa PNP at NBI, ang mga napaulat na apektadong ahensiya ay ang Bureau of Internal Revenue, Civil Service Commission, at ang Special Action Force Operations Management Division at iba pa.
Sinabi ng komisyon na gumagawa na sila ng agarang aksiyon para matiyak na mapapanagot ang mga responsable sa umano’y breach sa persona data ng gobyerno.
Una rito, ibinunyag ng cybersecurity researcher na si Jeremiah Fowler na ang database na naglalaman ng mahigit 1.2 million records may kaugnayan sa affairs ng law enforcement agencies ay na-expose anim na linggo na ang nakakalipas.
Ang mga leaked documents ay kabilang ang personal information gaya ng pangalan, address, contact details at medical records ng mga public official at mga empleyado kabilang na ang mga police officers, prosecutors at mga hukom.
Ibinabala din nito na maaaring maging biktima ang mga indibdiwal na ito ng identity theft, phishing attacks at iba pang malicious activities.
Sa panig ng NBI at PNP, patuloy ang kanilang pagberipika sa nasabing report kung mayroong leak sa kanilang data.