KALIBO, Aklan —- Nagtamo ng black eye ang isang babae matapos suntukin ng kaparehong kristo sa sabungan nang siningil niya ito ng utang sa loob ng isang cockpit arena sa Numancia, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Rebecca Marquez, 47, residente ng Barangay Laguinbanua West, Numancia habang ang suspek ay si Charlie Custodio, 32, ng Barangay Bulwang sa naturang bayan.
Sa report ng pulisya, kapwa lasing ang dalawa nang magkita sa loob ng sabungan sa kanilang lugar nang biglang naalala ng babae ang utang na P1,000 ng suspek kaya siningil niya ito.
Nagalit ang suspek dahil sa pagbubunganga ng biktima hanggang magtalo silang dalawa.
Sa galit ng suspek na walang pambayad, sinuntok nito ang biktima sa mata.
Handang magsampa ng kaso ang biktima laban sa suspek.










