-- Advertisements --

Nababahala si Senadora Nancy Binay sa ginawang pag-gluta drip ni Mariel Rodriguez-Padilla sa loob ng opisina ng kanyang asawang si Senador Robin Padilla sa Senado.

Bagaman hindi sigurado si Binay kung may hurisdiksyon dito ang ethics committee dahil hindi naman daw miyembro ng senado si Mariel, kailangan pa rin daw tingnan nang mabuti ang nangyari dahil kaakibat umano nito ang integridad at reputasyon ng senado lalo na sa usapin ng kalusugan. 

Hindi rin umano siya komportable sa sinabi ni Mariel na nagpo-promote ito ng good looks at good health dahil idineklara daw ng Department of Health na hindi ligtas at ipinagbabawal ng Food and Drug Administration ang pagsasagawa ng Gluta Drip o Intravenous glutathione bilang pampaputi ng balat. 

Matatandaan din na sa isang press conference ay sinabi ng DOH na maaaring magkaroon ng side effects ang pagpapa-gluta drip sa atay, bato, at nervous system. 

Sa pahayag ni Binay, hinimok niya na bilang public figure ay dapat umanong aware sila sa responsibilidad nila sa publiko dahil maaaring nakapagpo-promote na sila ng ipinagbabawal at iligal. 

Dagdag pa ni Binay, may kasamang pananagutan umano ang pagiging artista lalo na kung senador ang asawa mo.