-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanindigan ang Philippine Army Southern Luzon Commander na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., na hindi “unconstitutional” ang kanyang appointment bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Kasunod ito ng committee report ng Senado na kumukwestiyon sa pagtalaga kay Parlade sa NTF-ELCAC sa kabila ng pagiging aktibong miyembro ng Philippine Army na umano’y pagsuway sa probisyon ng Article 16 section 5 ng 1987 Constitution.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Parlade, binigyang-diin nito na hindi civilian agency ang NTF-ELCAC kundi isang task force na binuo upang mapigilan na ang insurhensya sa bansa.

Dahil dito kung kaya wala aniyang problema kung kasali rito ang mga miyembro ng pulis, sundalo at iba pang uniformed personnels.

Giit pa ng opisyal na politika lang ang dahilan ng ilang senador na duda sa kanyang posisyon lalo pa at papalapit na naman ang eleksyon at nangangailangan ng atensyon ng publiko.

Nananatili aniya ang kahandaan niya na bumaba sa puwesto anumang oras sakaling hingin ito ng NTF-ELCAC at ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala sa isa pang panayam, nanawagan naman sa Senado si Communications Usec. Lorraine Baduy na tagapagsalita rin ng NTF-ELCAC, na igalang ang seperation of power ng legislative at executive branch ng gobyerno at ‘wag na pakialaman pa ang trabaho ng task force.