Naniniwala ang ilang kongresista na makakabuti para sa Philippine National Police ang nakatakdang maagang pagbibitiw sa puwesto ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde.
Sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, hindi dapat magdusa ang anti-drug war ng Duterte administration sa anumang pagdududa at kuwestiyonableng kredibilidad ng mga nagpapatupad nito.
“His retirement will be in the best interest of the PNP, the President and the nation,” ani Defensor.
Umaasa naman si ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap na hindi maisama ni Albayalde sa pag-alis nito sa puwesto ang mga issue na lumutang hinggil sa umano’y pagkakasangkot nito sa mga “ninja cops” o mga pulis na nagre-recycle ng iligal na dorga.
Kaugnay nito ay kanyang hinihimok ang PNP na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa naturang usapin, at umaasa ring matuldukan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang maraming issue na nagsulputan na nagsimula sa good conduct time allowance (GCTA) mess ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa halip na Nobyembre 8, mapapaaga ng 10 araw ang retirement ni Albayalde sa darating na Oktubre 29.