ILOILO CITY – Inireklamo ng isang 13-anyos na dalaga ang nagpakilalang pulis dahil sa pagnanakaw ng pera.

Nangyari ang pagnanakaw kasabay ng isinagawang anti-illegal gambling operations sa Brgy. Calumpang, Molo, Iloilo City.

Ayon sa kapatid ng dalaga, nasa kabilang bahay ang kanyang kapatid habang naglalaro naman ng tong-its sa labas ng bahay ang kanilang ina.

Bigla na lamang umanong pinasok ng mga pulis ang kanilang bahay at hinuli ang mga nagsusugal.

May isang hindi naka-uniporme na nagpakilalang pulis na pumasok sa bahay at nagtanong kung sino ang may-ari ng wallet na nasa lamesa.

Binuksan lamang daw ng nagpakilalang pulis ang wallet at nakitang naglalaman ng P24,000 at kinuha ito.

Ayon sa ina, hindi galing sa sugal ang nasabing pera bagkus ipinadala ito ng kanilang kamag-anak na nasa abroad.