-- Advertisements --

Nababahala ngayon ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines na mas lalala pa ang sitwasyong kahaharapin ng mga kabataan dahil sa patuloy na pagsasara ng mga paaralan dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa UNICEF, mula raw kasi noong nag-lockdown, tumaas na ang bilang ng mga nag-dropout na estudyante, nagkaroon din ng child labor at child marriage.

Isa ring nakikitang rason kung bakit hindi nakakadalo sa kanilang mga online classes ang mga kabataan ay dahil sa kawalan ng suporta sa paggamit ng teknolohiya, poor learning environment at ang iba ay napipilitang magtrabaho.

Ang naging pahayag ng UNICEF Philippines ay kasunod ng muli nilang panawagan na pagbubukas ng mga paaralan sa pamamagitan ng phases na magsisimula sa low-risk areas.

Pero kailangan pa rin naman umanong sumunod ng mga paaralan sa safety protocols.

Ang Pilipinas ay isa sa lima na lamang na bansang hindi pa nagpapatupad ng physical classes mula nang nagka-COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.

Sa ngayon nasa 27 million na mga estudyante ang apektado ng COVID-19 pandemic.

Una rito ay ipinanukala na rin ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng limited face-to-face classes.

Pero hindi pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte matapos makapasok ang mas nakakahawang variant ng COVID-19 ang Delta variant.