-- Advertisements --

SUGAR1

Dinepensa ng nagbitiw na Department of Agriculture (DA) Usec. na si Leocadio Sebastian hinggil sa paglagda nito sa Sugar Order no.4 na tinaguriang “ilegal” para sa importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal na hindi otorisado ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagharap ni Sebastian sa Komite ng Good Governance and Accountability and Agriculture and Food, ipinaliwanag nito na ang paglagda niya sa Sugar Order no. 4 dahil hindi umano niya kayang panoorin ang mga Pilipino na nagdurusa sa mataas na presyo ng asukal sa lokal na merkado.

Apektado rin aniya ang mga negosyo na ang pangunahing ginagamit ay asukal.

Dagdag pa ni Sebastian, pinirmahan niya ang kautusan base sa mga datos na iprinisenta sa kanya ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Inihayag pa ni Sebastian na agad naman siyang nagbitiw sa pwesto nang malaman hindi aprubado ni Pang. Marcos ang kanyang ginawa.
Ipinauubaya na rin ni Sebastian sa Palasyo o sa Ehekutibo ang pagsisiyasat sa usapin.

Samantala, kinumpirma ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Engr. Hermenegildo Serafica na hindi pa dumating sa bansa ang bulto ng asukal na inimport ng Department of Agriculture (DA).

Sa isinagawang Joint briefing sa Kamara, sinabi ni Serafica na hanggang sa ngayon ang buong volume ng 200,000 metric tons ng asukal na-inimport ay hindi pa dumarating.

Bagkus, inihayag ni Serafica sa Komite na as of August 12,2022, nasa kabuuang 185,633.9 metric tons ang nabigyan ng clearances ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa ngayon ang dumating lamang at naideliver na sa bansa ay nasa 166,234.90 metric tons.

Inihayag ni Serafica na may ginawa silang konsultasyon hinggil sa pag angkat ng asukal.

Dahil dito, ang House of Representatives ay balak na magsagawa ng motu proprio inquiry hinggil sa tangkang pag import ng 300,000 metric tons (MTs) ng asukal.

Una ng sinabi ni Rep. Florida Robes na gagawin nila ang lahat para mabatid ang punot dulo ng isinagawang iligal na importasyon.

Sa kabilang dako, ipinunto din ni Rep Florida Robes, na 60% ng sugar production ay mula sa Western Visayas.

Batay sa isinagawang projection ng SRA as of 2022 ang demand para sa raw sugar ay nasa 2.04 million Metric Tons habang ang refined white sugar ay nasa 955.06 Metric Tons.

Sa isinagawang briefing kanina, tinawag ni Cavite 4th district Rep. Elpidio Barzaga ang atensiyon ni Engineer Serafico na pinili pa nito na mag report sa kaniyang trabaho imbes na dumalo sa joint briefing ng personal.