-- Advertisements --

Itinanggi ng dating Aktres na si Nadia Montenegro na gumamit siya ng marijuana o nanigarilyo sa comfort room ng Senado. 

Batay sa incident report ng Office of the Sergeant-at-Arms, inamin niyang may dala siyang vape sa kanyang bag, na aniya’y maaaring pinagmulan ng amoy.

Batay sa ulat ni Senate Security Officer Victor Patelo, dalawang beses naiulat ang insidente ng matapang at hindi pangkaraniwang amoy na nagmumula sa ladies’ comfort room na malapit sa extension offices ng mga senador. 

Unang naitala ang insidente noong kalagitnaan ng Hulyo 2025 bandang alas-5 ng hapon. 

Ayon sa ulat, isang male staff ang tumawag sa nakatalagang security personnel sa ika-5 palapag upang ireport ang matapang na amoy sa kanilang lugar. 

Nang puntahan ito, nakumpirma ng guwardiya ang kakaibang amoy ngunit walang naobserbahang naninigarilyo sa paligid.

Ang ikalawang insidente ay nangyari noong Agosto 12, 2025 sa parehong oras at lugar. 

Ayon sa report, isang male staff mula sa opisina ni Senador Panfilo Lacson ang nagsabing may amoy na kahawig ng marijuana mula sa ladies’ comfort room at tinukoy na tanging Montenegro lamang ang nasa lugar noon.

Patuloy ang isinasagawang pagberipika ng Senado sa naturang ulat.