Umapela si Anakalusugan Party-list Rep. Michael Defensor sa publiko na itigil na ang “hate campaign” laban sa mga Chinese nationals kasunod nang pagkalat ng novel coronavirus (n-cov).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Defensor na bukod sa mga fake news ay talamak din sa social media ang “hate posts” laban sa mga Chinese dahil sa panibagong outbreak.
Iginiit ng kongresista na unfair at unacceptable para sa mga Chinese nationals ang mga posts na ito sapagkat hindi naman kasalanan nilang lahat ang pagkalat ng virus.
“Hindi ito usapin ng race o bansa… I hope that Filipino would cease not only spreading fake news but also the hate campaign against the Chinese,” ani Defensor.
Sa kabilang dako, pabor naman ito sa pansamantalang pagpapahinto ng Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng visa sa mga Chinese nationals na dumarating sa bansa.
Sa tingin niya ay hindi naman sasama ang loob ng mga Chinese authorities sa hakbang na ito ng BI para lamang hindi na kumalat pa ang novela coronavirus.
“Kailangan natin magtulungan dito hindi lamang sa side nila kundi maging sa side ng Pilipinas,” ani Defensor.