Hindi na dapat ikagulat pa umano ayon sa isang physician ang bagong strain ng COVID-19 virus na natuklasan sa United Kingdom.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin, bise presidente ng Philippine College of Physicians, inaasahan na nila dati pa na habang tumatagal ang pandemya ay magkakaroon ng variant ng bagong strain dahil ang virus ay hahanap talaga ng paraan upang sa gayon ay makapag-survive.
Kamakailan lang ay natuklasan ng mga scientists sa UK ang bagong variant ng coronavirus disease 2019 na sinasabing mas nakakahawa.
Nagbunsod ito nang panibagong global travel suspensions sa mga biyahe mula at papuntang UK, kabilang na ang temporary ban na ipinatupad ng Pilipinas.
Ayon kay Limpin, bagama’t masamang balita ang nangyaring mutation sa COVID-19 virus, ang magandang balita naman ay ang effect ng strain ay nakikita na milder.
Gayunman, pinapayuhan ni Limpin ang publiko na patuloy na sundin ang health protocols na inilatag ng pamahalaan upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng sakit.