BOMBO DAGUPAN -Tiniyak ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office mula sa ilang bayan sa lalawigan ng Pangasinan ang kanilang kahandaan para sa magiging epekto ng Super Typhoon Egay.
Ayon kay Karla Adriano, ang MDRRM Officer ng Sual, sa kasalukuyan ay nananatiling maayos ang ang kalagayan ng kanilang bayan.
Wala pa rin aniya silang inaabisuhan na lumikas mula sa mga coastal areas sapagkat hindi pa umaabot sa kritikal ang lebel ang tubig.
Dagdag pa ni Adriano na katuwang naman nila ang mga ahensya ng gobyernotulad ng Philippine National Police at Philippine Coastal Guards sa kanilang paghahandang pagsasagawa ng pre-emptive evacuation.
Samantala, ganito rin ang iniulat ng MDRRM Officer Head ng Sta. Barbara na si Raymondo T. Santos.
Aniya, malayu-layo pa sa kritikal na lebel ang tubig sa Sinukalan River ngunit patuloy pa rin nila itong binabantayan kasama na din ang pagmomonitor sakaling bumagsak na tubig mula sa mga kalapit na bayan.
Samantala, nagsagawa naman na ng pre-emptive evacuation ang iba’t ibang barangay sa lungsod ng Dagupan, ayon naman kay Ronald De Guzman, City Disaster Risk Reduction and Management Office Head.
Kabilang sa mga inilikas ay ang mga residenteng mula sa Malued, Carael, Poblacion Oeste, Bolosan, Caranglaan, Tapuac, at Calmay dahil sa maaaring pinsala ng lakas ng hangin.
Dagdag pa niya, patuloy pa rin ang kanilang pagmomonitor sa kalagayan ng lungsod.
Ayon naman kay Winston Julio, ang MDRRM Officer naman ng bayan ng Natividad, ikinagagalak nilang wala pang naitatalang casualty na dulot ng bagyong Egay sa kanilang bayan.
Isang magandang balita rin ang ibinahagi ng bayan ng Asingan dahil ayon sa Local DRRM Officer nito na si Jesus Cardinez ay wala pang inilikas na pamilya sa kanilang bayan.
Ngunit aniya nakaranas ng pag baha ang bahagi ng Sitio Riverside ngunit humupa din ito agad nang huminto ang ulan.
Sa bahagi naman ng bayan ng Natividad, ayon kay MDRRM Officer Winston Julio, wala naman aniya silang natanggap na report patungkol sa naapektuhang sakahan.
Paalala naman ng mga ahensya ng Disaster Risk Reduction Management na patuloy pa rin maging handa sapagkat hindi pa tuluyang nakakaalis ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.
Patuloy naman silang nakikipag ugnayan sa ahensya ng gobyerno upang makagawa agad ng aksyon sakaling may mangailangan ng kanilang serbisyo.