Inirerekomenda ng Samahang Industriya ng Agrikultura ang muling pagbabalik sa price-ceiling ng bigas sa buwan ng Nobyembre upang hindi tumaas ang presyo nito.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng nasabing samahan dapat ibalik na sa unang araw pa lang ng nobyembre ang price-ceiling nang sa gayon ay maiwasan ang pagtaas nito.
Aniya, ito ay dahil kapag hindi naisapatupad ang naturang pagtatakda ay papalo sa P50 hanggang P52 ang presyo kada kilo ng well-milled rice.
Dagdag pa ni So, napansin din aniya na ang mga naaning palay sa probinsya partikular na sa lalawigan ay kadalasang binebenta sa Isabela kung kaya’t tumataas na ang presyo nito.
Kaugnay nito, tuloy-tuloy naman ang ginagawangimportasyon ng bigas sa bansa nang sa gayon ay tuloy-tuloy rin ang distribusyon nito sa iba’t ibang lalawigan.
Samantala, patuloy naman aniya ang ginagawang follow-up ng kanilang samahan kay President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa ipinangako nitong P5,000 subsidy kada ektarya sa mga magsasaka dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito natatanggap.