-- Advertisements --
hontiveros mobile clinic 2

Muling nabuhay ang matagal nang isyu sa ginagawang pag-display ng mga pulitiko sa kanilang imahe at pangalan sa bawat proyekto na kanilang ginagawa.

Ito’y matapos mamataan ang larawan ni Sen. Risa Hontiveros sa isang mobile health clinic.

Noong Martes ay inanunsyo ng senador ang kaniyang proyekto na mag-aalok ng libreng medical services sa mga indigent Filipinos na nangangailangan ng tulong lalo na’t takot ang mga ito na magtungo ng ospital o clinics dahil sa banta ng coronavirus disease.

“Pagsubok, lalo na sa mahihirap nating mga kababayan, ang magpunta sa ospital dahil: una, ang banta ng COVID-19 sa kalusugan, at ikalawa, ang mga bayarin na banta naman sa kanilang bulsa,” saad ni Hontiveros sa kaniyang Facebook page.

Tiniyak ng mambabatas na hindi na ito kailangan pang problemahin ng mga kababayan natin dahil sila na mismo ang pupuntahan ng Healthy Pinas Mobile Clinic nito.

Sa pamamagitan ng naturang proyekto, maaaring maranasan ng mga Pilipino ang high-quality diagnotic services tulad ng chest x-ray, Complete Blood Count (CBC) test, ultrasound, Electrocardiogram (ECG) test, at lipid profile test.

May alok din na diagnostic at medical consultation services ang nasabing mobile clinic na pangangasiwaan naman ng mga doktor.

Sa ngayon ay nakarating na ang mobile clinic ng senador sa Barangay Turu sa Magalang, Pampanga.