CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na makasali pa sa tagisan ng talino at ka-pogihan ang isang 23 anyos na civil engineering graduating student dahil binaril-patay habang bumisita sa kaibigan nito sa 13th Street,Brgy Nazareth,Cagayan de Oro City.
Ang biktima na si Adrian Rovic Fornillos,binata na taga- Lapaz 2,Barangay Lapasan ay isa sana sa mga kandidato ng Mr. Cagayan de Oro ng lungsod nitong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Lapasan Barangay Administrator Jeoffrey Baconga na nagulantang sila sa dumating na balita na wala na ang kanilang kandidato sa nasabing pageant competition na ubod ng kabaitan at aktibo rin sa mga gawaing pang-barangay.
Sinabi ni Baconga na kinondena nila ang sinapit ng kanilang ka-barangay kung saan malapitan na binaril ang ulo ng hindi kilalang mga salarin na nakasakay lamang ng tricab.
Dinala pa sa pagamutan ang biktima subalit makalipas ang ilang oras ay tuluyang bumigay ang katawan nito.
Labis na nagluluksa ang pamilya at mga kakilala sa malagim na nangyari sa biktima.
Sa ngayon,wala pang ideya ang pulisya kung saan matunton ang mga responsable sa nasabing kremin.