-- Advertisements --

Ipinataw na ng Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng isang motorcycle rider na tinakpan ang kanyang plaka upang umiwas sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang rider na taga-San Juan City ay natukoy matapos mag-viral sa isang social media post kung saan makikitang tinakpan aniya ang huling tatlong letra ng plaka nito gamit ang packaging tape

Batay sa Show Cause Order ng LTO inuutusan ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na humarap sa LTO Central Office at magsumite ng kanyang paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng suspensyon.

Kasabay nito, muling nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang pagtatakip ng plaka ay may katapat na multang P5,000 — mas mataas kumpara sa ibang paglabag tulad ng counterflow (P1,000), overspeeding (P1,000), reckless driving (P2,000), at number coding (P500).

Maalalang ipinatutupad ang NCAP sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng matinding trapiko dulot ng EDSA rebuild project na magsisimula sa Hunyo 13.

Sa kasalukuyan, ito ay nasa dry run phase parin, kung saan ang mga mahuhuli ay makakatanggap lamang ng notice of violation at wala pang karagdagang multa.